Untitled - "Hugot o Bulong sa Hangin"
Untitled - "Hugot o Bulong sa Hangin"
Pagkatapos ng dalawang taon, heto na naman po at bumabalik. Marami akong natutunan muli sa buhay, araw-araw na pagbangon, paglaban, at paghahanapbuhay.
Hindi madaling iwanan ang pagsusulat. Sa tuwing sinasabi ko sa sarili ko na tatapusin ang pantasya, pangarap, o pilit na paghahabol na makasulat; maliit man o malaki. Naluluha lang ako biruin mo. Bumabalik pa rin ang takot, hiya, at walang bilib sa sarili.
Maliban dito, tuloy pa rin ako sa pagbili ng mga libro, lokal o surplus mula sa Booksale. Ang ikinagugulat ko lang ay kapag may dala akong libro sa publiko, opisina, o kahit saan ay para bang iniisip ng iba na payabang, nag-aastang intelektuwal. Hindi naman po masama 'di ba? Lahat ata ng punto ng araw-araw na gawain ay may kasamang pagbabasa tama po ba?
Sana po ay matuto pa rin tayo na magbasa ng mga libro, magasin, o diyaryo. Huwag panay biswal na pag-scroll gamit ang mga daliri at tinitingnan lang ang ulo o headline; himayin, alamin, at basahin ang nilalaman't sinasabi.
Ang generiko o takot ko pa rin ay umiiral. Mula sa "bumpy" career o head start ko sa People's Journal na sa tingin ko sa puntong ito o kung buhay si erpat ay bibigyan ako ng "cold treatment". Pero bakit? Sinunod ko yung payo niya: magbasa, magbasa, at magbasa. (Kalaunan ay nabatid ko na ganito nagsimula si Quijano De Manila: ang magbasa o pagiging wide reader). Hindi ko rin alam saan pa tutungo.
Isa pang aspeto o natutunan ko para magsulat marahil ay isulat o tuloy-tuloy ako sa pagdudugtong ng mga salita, aralin ang parehong batayan sa Ingles o Filipino at suwayin kung ninanais. Ang namamalayan ko pa lang sa ngayon ay kapag magbabasa ako ay parang naririnig o may pang-amoy na kung pinaliliyab ng may akda ang iyong damdamin, pinasasaya, o pinapaluha. Minsan may takot; may pagbabadya o nakatagong babala sa magulong panahon. (Ayoko pag-usapan ang pulitika. Hindi permanente; pansariling interes pa rin ang umiiral. Malayo pa biyahe sa pagbabago).
Ngayon, muli kong ipipilit ang mga baluktot (minsan) at mga pursigidong pagbubuhay sa mga natenggang Blogger accounts. Magastos ang Internet packages so imbes tingnan ko ang mga hashtags, matawa sa memes, i-stalk si crush sa IG, -- once or every other day ako maglalagay sa blog post. Kung may pumansin, salamat. Kung isla lang na hindi napapansin, ayos lang. Importante, tuloy sa pagsusulat at pagbalanse ng takot sa mapaghamong panahon.
Comments
Post a Comment